MBB
Mga Awit 136
MBB
Mga Awit
Cựu Ước
Tân Ước
Chương 136
Song song
Hiển thị
Awit ng Pagpapasalamat1Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 2Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 3Ang Panginoon ng mga panginoon ay ating pasalamatan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 4Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 5Itong kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 6Nilikha ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 7Siya ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 8Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 9At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 10Ang mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 11Mula sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 12Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 13Ang Dagat na Pula, kanyang inutusan at nahati naman. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 14Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 15Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 16Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 17Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 18Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 19Siya ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 20Siya rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 21Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 22Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 23Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 24Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 25Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! 26Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!